Isang pangarap na nais abutin
Para sa pamilya ko ako’y nananalangin
Pangarap na abo’t langit ang tingin
Pangarap na makapag-aral sa magarbong paaralan, upang magkaroon ng maliwanag na kapalaran
Pangarap na makatira sa isang maaliwalas na bahay, na sadyang sa kathang-isip lamang taglay
Pangarap na magkaroon ng desenteng trabaho
Pangarap na magkaroon ng lupaing maaararo
Pangarap na mabisto sa husay at talento
Pangarap na mailathala ang buong pagkatao
Pangarap na yumaman at manalo sa laban
Manalo sa laban ng masaklap na kahirapan
Pangarap na hinanap sa bawa’t sulok ng probinsiya
Sa hilaga, sa timog, sa kaunluran, at silangan
Pangarap na hinahanap nasa maynila lang pala
Sa maynila lang pala matutuklasan ang malawak na kinabukasan
Sa mumunting maynila napagtanto ang maraming ginto
Maraming ginto na dala ng pagbukas ng maraming pinto
Ang mga pintong ito’y simbolo ng mga oportunidad, mga oportunidad na tutulak sa ating pag-uunlad
Ngunit, paguunlad nga ba ang tawag kapag iilan lamang ang pinapalad?
Paguunlad nga ba ang tawag kung tanging maynila lamang ang umuusad?
Paguunlad nga ba ang tawag kung dalawang milyon lamang sa isang daang milyong katao sa bansa ang siyang nakakalakad?
Paano natin masasabing nag-uunlad ang pilipinas kung iilang bahagi lang nito ang nakakalikas?
Ito’y hindi makatarungan at hindi magandang ngalan
Ang sabihing lalabanan ang paghihirap ng walang nakakalap?
Walang nakakalap na tamang solusyon sa mga problemang bugtung-bugtong ang mga kondisyon
Paano nga naman malalabanan ang kahirapan kung yaong mga mayayaman ay patuloy na yumayaman at yaong mga mahihirap ay patuloy na humihirap?
Paano nga ba matatapos ang pagtitiis kung ang sariling pagkatao ay hindi kinikilatis?
Paano na lang babangon sa hirap kung pilit ninanakaw pag mamayari ng mga pilipinong gumagalaw?
Silang gumagalaw para magkaroon ng bigas
Silang gumagalaw para maibsan ang dahas
Silang gumagalaw para lang makatakas
Makatas sa pagkalito sa mga pampublikong patotoong hindi naman totoo
Litong-lito sa mga sinasabing “kayo ang boss ko” at ito ang “daang matuwid” na hindi man lang nararamdaman ng mga tunay na mamamayan
Nasaan ngayon ang pag-uunlad na sinasabi nilang tayo’y naging mapalad?
Kung ang kaibuturan, kung ang puno’t-dulo, kung ang pagkasarinlan ay pilit lang nilang binabaliktad?
Narito ngayon ang pag-asa
Ang pag-asa na hindi dala ng mga pulitikong tila mga binatang artista
Ang pag-asa na hindi dala ng mga pulitikong tila mga bulaang propeta
Ang pag-asa na hindi dala ng mga pulitikong tila mga bihasang atleta
Narito ngayon ang tunay na pag-asa
Ang tanging pag-asa
Ang nag-iisang pag-asa na makakamtan lamang kung tayong lahat ay magkaka-isa bilang isang pilpinas, bilang isang bansa, bilang isang bayan, bilang isang kalipunan, bilang isang malaking pamayanan na puno ng pagmamahalan
Isang malaking batalyon kung saan disiplina ang siyang kampyon
Isang silanganan kung saan pag-ibig sa tinubuang lupa ang siyang kapalaluan
Isang sambayanan kung saan walang nag-iisa
Walang mayaman o mahirap dahil san ka man pumunta’y pantay-pantay ang mga magiginhawang pagkakataon at walang mga pinipiling kampon
Isang kapuluan kung saan walang nag-iisa dahil naitigil na ang karumal-dumal na paglalakbay
Na ang luzon, visayas at mindanao ay hindi tatlong islang magkakalayo, kundi tatlong islang magkakadikit dala ng mga makabagong transportasyon na malakas ang kapit
Isang masinsinang tahanan kung saan walang nag-iisa dahil lahat tayo ay nagkaka-isa, dahil iisa lamang ang ating lahi at iisa lamang ang ating diyos na naghahari
Isang pangarap na nais abutin
Isang pangarap na aabutin ano man ang kailangang gawin
Umalis man ng probinsya
Malayo man sa pamilya
Mawalay man tuwing bagong taon o pasko
Mawala man sa graduation ni bunso
Ako’y isang anak lamang na nangangarap para sa mga magulang kong angkin
Isang anak na nangangarap na maibangon ang pamilya kong dinggin
Isang pangarap na nais abutin
Isang pangarap na sana’y hindi na makulong sa aking mga sulatin.
Comments