top of page
Writer's pictureCharlene Manalang

Kaibigan o Ka-ibigan?

Updated: Sep 23, 2020

dsc_1615

Naaalala ko pa nung tayo’y unang nagkakilala.

Habang nakangiti, inabot mo ang iyong kamay at sinabi ang iyong pangalan.

Ako nga pala si ____________________.

Sabay ngiti rin ako at nagsabing ako si Cha (like Chatime).

Sabay ngiti ulit at sabay bitaw ng mga biro kong corny.

Natawa ka nga eh.

Ewan ko ba kung dahil nakakatawa talaga ako o sadyang naawa ka lang sakin.

Sa una nating pagkakilala, nang parang bula, nagsisituluan nalang bigla ang aking mga luha.

At nandun ka.

Nagtatanong. Nangungulit. Nakikiochoso. Nakikialam

“Okay ka lang ba? Anong problema? Bakit ka umiiyak?”

Na para bang close na tayo at matagal nang magkakilala

At andun ako tahimik lang at di sumasagot.

Nakauwi na ako’t lahat. Nakalipas na ang isang araw ngunit di mo pa rin binibitawan yang mga tanong mo. Ang kulit mo.

“Okay ka lang ba? Anong problema? Bakit ka umiiyak?”

Eh anong magagawa ko? Sinagot ko na rin lang.

Ewan ko ba kung bakit pero sinasagot ko lahat ng mga tanong mo.

Ewan ko nga kung bakit pero buong kwento ng buhay ko naibahagi ko na sayo.

Ewan ko ba kung bakit pero buong pagkatao – lahat ng maganda, lahat ng pangit at lahat ng madumi nasabi ko na sayo.

Siguro dahil mabait ka. Siguro dahil magaan ang pakiramdam ko sayo. Siguro dahil alam kong nauunawaan mo ako. Siguro dahil alam kong tanggap mo ako. Ewan ko ba basta ang alam ko lang tuwing kausap kita masaya ako.

Masaya akong nababasa yung mga text mong good morning bes. Kumain ka na ba? Kamusta araw mo? Nag QT ka na ba? Good night bes!

Naaalala ko pa nung mga panahonong araw-araw tayong magkausap. Grabe, mula pagkagising hanggang sa pagtulog ikaw lang ang kausap ko.

Habang nasa klase, habang nasa meeting, habang kumakain, habang nanunuod ng tv, habang naglalakad pauwi, habang gumagawa ng mga homework at project wala na akong ibang nakausap kundi ikaw.

Ikaw na palagi akong pinagtitripan. Ikaw na palagi akong pinapauunlakan. Ikaw na palagi akong pinagsisilbihan.

Ikaw na palagi akong pinapabuhusan ng umaapaw kaligayahan

Siguro hindi mo lang alam, pero pinagkakamalan na akong timang na tumatawa ng mag-isa habang binabasa ko lahat ng mga text mo.

Siguro hindi mo lang alam, pero noong mga panahong iyon, ikaw yung nag-iisang pinaka matalik kong kaibigan.

Siguro hindi mo lang alam, pero ikaw ang unang lalaking nagsabing maganda ako sa halip ng lahat ng aking mga kasalanan.

Hindi mo nga siguro alam pero mula’t sa simula palang ramdam ko nang iba ka. Hindi ka tulad ng iba.

Iba yung tingin mo sakin. Iba yung pagkausap mo sakin. Iba yung pagtrato mo sakin.

Ngunit sa kabila ng lahat, ni minsan hindi ko inisip na may gusto ka sa akin.

At ni minsan hindi ko rin inakala na hihigit pa sa magkaibigan ang relasyon natin.

Ngunit habang tumatagal lalo kang nagiging makulit at mabait.

Habang tumatagal lalo kang nagiging maasikaso at maalalahanin.

Habang tumatagal lalo kang nagiging masintahin at mapagmahal.

Paulit-ulit kitang tinatanong noon kaibigan mo nga ba ako o ka-ibigan?

Paulit-ulit yung sagot mo “hanggang kaibigan lang ang tingin ko saiyo”

Pero bakit habang tumatagal lalo kong nararamdaman ang tamis ng pag-ibig mo?

Paulit-ulit kitang tinatanong noon kaibigan mo nga ba ako o ka-ibigan?

Paulit-ulit akong nagtatanong dahil litong-lito na ako. Hilong-hilo na ako. Hirap na hirap na ako sa kakaisip!

Ano ba talaga ang meron tayo?

Kaibigan nga ba kita o ka-ibigan?

O sadyang di mo lamang maiguhit ang linya sa gitna ng katotohanan at kahibangan

Lahat sila pinagsasabihan na ako.

“Pag-ingatan mo yang puso mo. Bantayan mo yang kinukubli ng damdamin mo. Gwardyahan mo yang bilis ng pagtibok ng puso mo”

Guard your heart! Guard your heart! Guard your heart!

Eh malay ko ba kung anong ibig sabihin nito.

Dapat bang itigil ang pagkkwentuhan nating puno ng mga tawanan?

Dapat bang itigil ang pagdadamayan natin tuwing umuusli ang mga kaguluhan?

Dapat bang itigil nalang natin ang masisigla nating samahan?

Ano? Bakit? Paano?

Ano ang kailangang protektahan sa pusong naghahanap lamang ng nakikiramay na kaibigan?

Bakit kailangang protektahan ang puso mula sa pag-ibig na puno ng kagalakan?

Paano mapoprotektahan kung ang puso’y matagal nang nabihag sa isang kasinungalingan.

Ang kasinugalingan na magkaibigan lang tayo na hanggang magkaibigan lang tayo.

Dahil sa ating mga tinginan, usapan, at samahan daig pa natin ang tunay na magka-ibigan.

Sagutin mo ako! Ano na ngayon ang gagawin ko?

Sagutin mo ako! Ano ang magagawa ko?

Sagutin mo ako! Dahil mahal na kita!

Mahal na mahal kita!

Ikaw na!

Ang dahilan sa mabilis na pagtibok ng puso ko. Ang sanhi sa mga paru-parong na nagsisihiyawan sa sikmura ko. Ang salarin sa kilig na hindi ko mapigilang maramdaman. Ang pinagmulan ng ngiti kong abo’t langit na ang hangganan.

Nangyari na ang lahat. Nangyari nalang ang lahat nang hindi man lang pinagplanuhan. Hindi man lang pinagisipan. Hindi man lang pinagkalooban ng intensyon.

Hindi natin maikakaila na hindi nga naman ito tama.

Ang magpadalus-dalos sa emosyon at ang umibig ng walang pagpapahintulot.

Hindi natin maikakaila na ang pag-ibig ay kasing sama ng dragon kung wala sa tamang panahon.

Naghihimagsikan na ang buong pagkatao ko. Alin ba ang susundin ko ang puso ba ang o isip?

Alin ba ang mas matimbang ang isip na hinahangad ang tuwid?

O ang puso na hinahangad ang pag-ibig?

Ngunit anong magagawa ko kung ikaw na ang nilalaman ng kaibuturan ng puso ko?

Wala akong magawa kundi sundin ang puso ko.

Ikaw ang puso ko.

Kaya’t ikaw ang susundin ko.

32 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Post: Blog2_Post
bottom of page