In Collaboration with Wesley Galvez
Paano ko ba sisimulan? Itong storya natin na parang kailan lang
Nahirapan akong gumawa ng tugma dahil ako’y kinakabahan
Kinakabahan na baka malaman mo at ako’y iwanan lang
Kapag sinabi ko sa’yo na ‘bes mahal kita’
Siguro hindi kakasya sa isang pahina ang mga salitang gustong bigkasin ng bibig ko
“mahal kita” pero magkaibigan lang tayo
“gusto kita” pero hindi ako sigurado sa nararamdaman mo
Siguro hindi rin ako handa para maging tayo
Marami akong gustong sabihin pero hindi ko masabi
Pati dila ko umurong at tila hindi ko na magamit
“mahal kita” alam ko sa sarili ko
Pinapakita ko sa’yo kung gaano kita ka gusto
Pero hindi ka pa ata sigurado….. Kasi magkaibigan lang tayo
Kausap kita mula umaga hanggang gabi pero magkaibigan lang tayo sa huli
Siguro ako lang yung nakakaramdam ng ganito
Yung tipong kaya ko nang ibigay lahat sa’yo pero parang lugi ata ako
Kasi lahat na nabigay ko pero yung puso mo hindi ko man lang maramdaman kahit yung tibok nito
Takot ako, sobrang natatakot ako na kapag umamin ako sa’yo
Na ako lang din pala yung may gusto
Na kapag sinabi ko sayo yung totoo sabihin mo rin yung totoo na hanggang mag kaibigan lang tayo
Masakit. Sobrang sakit
Kahit minsan tinanong ko na rin ang sarili kung bakit
Bakit hanggang magkaibigan lang itong istorya natin
Hindi ko alam
Ano ba ang ibig sabihin ng araw-araw mong pagkausap sakin?
May iba pa bang kahulugan ang pag-alaga’t pag asikaso mo sakin?
May katuturan ba ang lahat ng mga romantikong salitang sinasabi mo sakin?
Hindi ko alam
Ang bilis ko nang magtampo kapag di mo ako binibigyan ng atensyon
Bawat limang minuto tumitingin ako sa cellphone ko kakahintay sa mga text mo
Bawat pagkakataon na kausap kita tila ba tinamaan ako ng kidlat at di nauubusan ng sigla
Hindi ko alam
Pag may naninira sayo, di ko maitago ang umaapaw kong galit sa pagtatanggol ko sayo
Tuwing may kasama naman akong iba wala na akong mabukang bibig kundi ikaw at ang mga sari-saring kwento mo
At bigla naman akong nagseselos kapag ibang babae ang pinapasin at pinapatawa mo
Hindi ko alam
Paano nga ba tayo humantong sa ganito?
Di ba’t magkaibigan lang tayo?
Hindi ko alam.
Tama bang isipin ko na may gusto ka sakin? Tama bang tanungin kita kung ano ang tunay na tingin mo sakin? Tama bang pigilan ko ang pag-usbong ng aking mga damdamin?
Hindi ko alam
Ba’t ba ako nag-iisip ng mga ganito? Ba’t ba ako nahihirapan ng ganito? Ba’t ba ako nasasaktan ng ganito kung kaibigan lang kita?
Gusto kong sabihin sayo
Na baka
Na parang
Na tila
Higit na sa kaibigan ang tingin ko sayo
Gusto kong sabihin sayo na baka gusto na kita
Gusto kong sabihin sayo na baka mahal na kita
Kaya lang baka ako lang naman ang nag-iisang naggugunita
Naggugunita na baka merong tayo
Hindi ko alam
Dumating din sa oras na kaharap na kita ngayon sandali
Siguro kailangan ko na ring umamin at sabihin
“minahal kita” kahit masakit
“minahal kita” kahit parang mali
“minahal kita” kahit ako’y nagkukubli
At “mahal kita” hanggang ngayong sandali
Pero natatakot parin ako
Na baka balewalain mo lang ako
Matagal ko nang tinago itong nararamdaman ko
Siguro nagulat ka sa mga sinabi ko
Ngayong magkaharap na tayo
Oras narin siguro para malaman mo
Walang oras na di ka tumakbo sa utak ko
Tumibok dito sa puso ko
At nagpasaya ng buhay ko
Pero siguro huli narin ang lahat
Dahil baka ang pagmamahal mo para saakin ay hindi tapat
At ngayong magkaharap na tayo
Nagsilipiran nalang lahat ng itinatanong ng aking puso’t-isipan
Kinakamusta mo ang lagay ko
At wala na akong ibang nasagot kundi itong mga kasinungalingan
“okay lang ako.”
“walang problema.”
“wag kang magalala.”
At ngayong magkaharap na tayo at kinakamusta mo tayo
Naiwan nalang akong mangha sa mga salitang binitawan mo na meron palang tayo.
At heto ako.
Hindi makapag-isip. Hindi makapag-salita. Hindi makagalaw.
Kaya’t nagpatuloy ka sa pag-amin ng mga bagay na akala ko’y ipauubaya nalang dapat sa hangin
Sa dami-dami ng mga sinabi mo, sa samu’t-saring pagpapaliwanag na ipinahayag mo, isang bagay lang ang naalala ko
“mahal kita”
Yun yung sabi mo
Ngunit may isang mensahe ka ring ipinarating na siyang bumiyak sa pag-ibig kong umaasang may mararating
“pero hindi pa ako handa”
Yun rin yung sabi mo
Bumaha ng katihimikan. Umaapaw ang kaasiwaan. Nagsisigawan ang kawalang-kiboan
At noong mga sandaling iyon alam ko na
Na hanggang dito nalang ang tagpuan
At wala nang bukas na maaabutan
Kaya’t noong tinanong mo ako kung ano ba ang gusto ko at kung ano ba ang nararamdaman ko
Wala akong ibang sinabi kundi
“hindi ko alam”
At tuluyan na rin tayong nagpaalam
Sabay tayong bumitaw sa pagkakaibigang akala nating merong tayo
Ngunit ang tanging naroroon lang pala ay ang ikaw at ako
Ikaw at ako
Na hanggang dito nalang siguro
Na sa sandaling ito na masisira narin itong samahang nabuo
Hindi ko na alam ang gagawin ko
Siguro hindi talaga tayo hanggang dulo
Yung ikaw at ako na sinabi mo
Yun nalang ang panghahawakan ko
Tatahakin na natin ang magkabilang mundo
Hindi na natin aalamin kung ano ang ating mga gusto
Na hahayaan nalang na itong sandali
Na huli nating pag uusap at sinasabi
Lahat ng nilalaman ng ating mga damdamin
Na hindi na talaga kaya pang buuin
Dahil kung ipipilit lang natin
Puso nati’y masasaktan din
Kaya paalam kailangan ko nang umalis
Para hindi narin tumuloy ang pagdudugo ng aking damdamin
Na sana naging masaya ka kahit sandali
Dahil pag mamahal ko ay susuko na din
Hindi ko alam
Kung paano ako magsisimula. Kung paano ako babangon. Kung paano ako magpapanggap
Dahil hindi mo alam
Na gusto rin pala kita
Na ang sagot sa tanong mo ay mahal rin kita
Na ang gusto kong mangyari ay maging tayo rin talaga
Ngunit hindi mo alam
Sapagkat ito ay isang masaklap na katotohanan
Na mahal natin ang isa’t-isa ngunit tayo’y ipinagtagpo sa maling kapanahunan
Kaya’t mabuti na ring hindi mo alam
Para hindi ka na rin umasa sa kinabukasan nating hindi ko rin alam
Para hindi ka na masaktan sa mga baka, tila, parang ng puso kong hiram
Para hindi ka na mahirapan sa pagmamahalang itinadhana lang na magpaalam
Basta’t ang alam ko lang
Mas mabuti nang wala kang alam
Kesa araw-araw mong pagsisihan ang pagtapat ng pag-ibig at madaliang pagpaalam
Comments